ILOILO CITY – Malapit nang matapos ang clinical trial ng Pilipinas sa paggamit ng herbal medicine na lagundi bilang supplement treatment sa mild o hindi malalang Coronavirus Disease (COVID)-19.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Cecilia Nelia Maramba-Lazarte, director ng Institute of Herbal Medicine, National Institute Of Health sa UP (University of the Philippines) Manila at project leader ng Efficacy and Safety of Vitex negundo for mild COVID-19 o EVICT Program, sinabi nito na may mga follow-up na lang na tinatapos sa ilang pasyente para sa stage 2 ng clinical trial.

Pagkatapos nito ay kokolektahin ang data upang analisahin ng mga eksperto.

Napag-alaman na sa stage 1 ng trial, may isinagawang dose finding, inalam kung ano ang pagkakaiba ng high dose sa normal dose na binibigay sa 200 na COVID patients na may mild symptoms sa napiling quarantine facilities sa bansa.

Base sa naging resulta, magkatulad lang ang epekto ng normal dose sa high dose at minimal lang ang reported adverse reactions.

Ang second stage naman ng pananaliksik ay ang placebo-controlled clinical trial.

Ayon kay Lazarte, ang lagundi ay may anti-inflammatory compound na maaaring gamutin ang moderate hanggang severe inflammation ng COVID-19 patient na may sintomas katulad ng ubo.