Nasa proseso pa rin daw ng approval ang mga dokumento ng anti-flu drug na Avigan, na nakatakdang mag-clinical trial sa Pilipinas bilang posibleng gamot sa COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hinihintay pa nila na malagdaan ng chancellor ng UP Manila ang clinical trial agreement. May ibang dokumento rin daw na kailangan pang pirmahan ng mga ospital na trial sites.
Sa ngayon pirmado na raw ng Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) ang memorandum of agreement para sa trials.
“We are just waiting for the finalization of the documents: yung clinical trial agreement atsaka yung iba pang mga documents.”
“Hopefully next week we can have this already.”
Sinabi naman ni Food and Drug Administration director general Eric Domingo bukas ang ahensya sa mga aplikasyon para maging rehistradong gamot dito sa bansa ang Avigan.
Lumabas sa hiwalay na pag-aaral sa Japan na naging epektibo ang nasabing gamot sa mga ginamitang pasyente na may COVID-19.
Dito sa bansa, nakapag-release na rin daw ng permit for compassionate use ang FDA, pero hinihintay pa ang resulta ng COVID-19 patients na gumamit ng Avigan.
“The Avigan study was approved by FDA in July and I think it’s underway now under the UP-PGH, but the life span is about one year, so we don’t expect to get any preliminary results until maybe midway.”
Ang Avigan ay gamot na donasyon ng pamahalaan ng Japan sa Pilipinas. Bukod sa nasabing gamot, ginagamit na rin sa Solidarity Trial ng World Health Organization dito sa bansa ang remdesivir at interferon beta-1a.