Nagbabala ang pamunuan ng Climate Change Commission laban sa posibleng serye ng heat waves sa mga susunod na buwan.
Ang serye ng heat wave ay inaasahang magdudulot ng mga labis na tagtuyot, kakulangan ng tubig, at malalakas na pagkulog.
Batay sa pahayag ni CCC Commissioner Albert dela Cruz Sr, papasok ang El Nino sa malaking bahagi ng bansa, sa kabila ng malalakas na mga pag-ulan.
Batay sa pag-aaral ng CCC, nakakaranas na ng tagtuyot ang mga probinsya ng Apayao, Cagayan, at Kalinga, kung saan nakitaan ang mga ito ng hanggang sa 60% na pagbaba ng mga pag-ulan.
nakakaranas na rin ng bahagyang tag-tuyot sa mga probinsya ng Isabela at Tarlac.
Gayonpaman, sa likod ng serye ng mainit na panahon, malaki pa rin umano ang posibilidad na magkaroon ng biglaang mga pag-ulan at malawakang mga pagbaha.
Dahil dito, pinaghahanda ng naturang komisyon ang publiko sa posibleng extreme condition na maranasan sa mga susunod na buwan.