Kinumpirma ni Atty. Merly Pagkalinawan, Clerk of Court ng Taguig Metropolitan Trial Court, branch 166 na sadyang hindi na sila nagtakda ng pagdinig sa kaso ng hapones na si Toshiya Fujita dahil sa kawalan ng hurisdiksyon.
Gayunman ay nilinaw nito na nakatanggap sila ng motion to withdraw information nuong January 31 mula sa Office of the Prosecution at batay umano sa court resolution na inilabas nitong February 1 ay kinatigan ito ng korte kaya maikokonsidera ng withdrawn ang kaso.
Pinaboran anya ang mosyon dahil hindi dumadalo sa mga nakaraang pagdinig ang mga kampo ng private complainant.
Gayunman ay nagsagawa pa rin anya ng masusing pag-aaral ang naturang hukuman at lumitaw na walang nakitang probable cause kaya kinatigan ang mosyon at nadismis na ang kasong kaugnay sa light threats.
Ang akusadong si Toshiya Fujita ay isa sa apat na hapones na matagal ng wanted sa Japan dahil sa serye ng malawakang robbery duon.
Sila ay naaresto dito sa Pilipinas na nakakulong ngayon sa immigration detention facility sa Camp Bicutan sa Taguig City at may nauna ng kahilingan ang Japanese embassy na madeport ang apat na hapones.
Sa kasalukuyan ay hindi pa masabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang petsa ng deportation.