-- Advertisements --

ILOILO CITY – Patuloy pa rin ang clearing at power restoration sa mga naapektuhan ng Bagyo Ursula sa Northern Iloilo.

Napag-alaman na 13 na ang patay kung kabilang na dito ang apat na myembro ng pamilya De Asis na inanod ng rumaragasang tubig sa ilog sa Brgy. Pasayan Batad, Iloilo.

Sa ngayon, isang myembro na lang ng nasabing pamilya ang patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.

Nagbigay rin ng mga relief goods ang Iloilo Provincial Government sa mga apektado ng bagyo sa Northern Iloilo.

Kasabay nito, personal na nagsagawa ng inspeksyon si Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. upang makita ang sitwasyon ng mga residente na apektado ng bagyo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Defensor, sinabi nito na 100 sako ng bigas, mga canned goods at noodles ang kanilang ipinamahagi.

Ayon sa gobernador, lubog pa rin sa tubig baha ang mga palayan at hindi pa madaanan ang ibang mga kalsada.

May nawasak rin na tulay sa bayan ng Sara, Iloilo kung saan kailangan pang sumakay ng balsa upang makatawid sa ilog.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang assessment sa mga nawasak na mga bahay, imprastraktura at sektor ng agrikultura.