DAVAO CITY – Nagpadala na ngayon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga heavy equipment at kanilang mga tauhan sa Brgy Binaton, Digos City upang magsagawa ng clearing operations sa naganap na landslide nitong Huwebes ng gabi.
Inaasahan na hindi magtatagal, maaari nang makadaan ang mga sasakyan papuntang Brgy. Kapatagan, Digos City, Davao del Sur matapus matabunan ng makapal na putik dahil sa gumuhong lupa.
Napag-alaman na pasado alas-10:00 kagabi nang maganap ang landslide dahil sa malakas na pag-ulan sa Sitio Batangon, Purok Durian, Brgy. Binaton, Digos City, kung saan natabunan ng lupa ang isang bahay.
Sa naturang pangyayari, patay ang magkapatid na sila Roniel Jay Laguna, 13; at Rochel Laguna, 10.
Sugatan naman ang step father ng mga ito na si Dommy Aquil, 31; asawa nitong si Jean Aquil, 29; at anak nila na si Xyrill Mae Aquil, 7.