Kinumpirma ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na kasalukuyan nang nasa prosekusyon ang isinampa nilang mga kriminal na kaso laban kay Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga.
Sa isang pulong balitaan na ginanap sa mismong tanggapan ng CIDG sa Camp Crame, inihayag ni CIDG Dir. PMGen. Robert Alexander Morico II na ang mga reklamo ay bunsod nang naging kinalabasan ng isinagawang imbestigasyon ng himpilan sa nakaraang September 21 rally.
Matatandaan kasi na nagkaroon ng mga hindi inaasahang mga karahasan na naganap sa bahagi ng Mendiola at Ayala Bridge na naging dahilan sa likod ng mga naitalang sugatang pulis at mga nasirang mga kagamitan at istruktura sa lungsod ng Maynila.
Maliban naman dito nagsampa rin ng kaso ang CIDG laban sa kongresista bunsod naman ng naging rally na ikinasa nito sa Forbes Park sa Makati nitong Oktubre 13.
Bagamat hindi na nagbigay ng iba pang mga detalye ang CIDG hinggil sa mga espesipikong mga partisipasyon ni Barzaga sa mga naturang kilos protesta dahil sa ongoing investigataion ng prosecution office, ay kinumpirma niya na maliban sa inciting to sedition ay mahaharap pa sa iba pang mga reklamo ang kongresista.
Paglilinaw naman at binigyang diin din ni Morico, na hindi pamemersonal ang kanilang ginawang hakbang laban sa kongresista at bahagi lamang ng kanilang mandato bilang investigative group ng Pambansang Pulisya.
Aniya, bahagi ng misyon ng CIDG na magsampa at magresolba ng mga kaso na siyang sinasaklaw ang mga malalaking klase ng paglabag o kaso kagaya lamang nito.
Dagdag pa dito, binigyang diin ng CIDG na mayroong krimen na nangyari at ito ay isang bayolenteng krimen kung saan ilang miyembro ng pulisya ang nasaktan at nasagutan at ilang mga government properties na napinsala at nasira dahil sa naging marahas na kilusan na ito.
Ani Morico, ito ang mga dahilan kung bakit sila nagsampa ng kaso at hindi dahil sa mga personal na kadahilanan.
Samantala, lumalabas rin sa imbestigasyon na isa si Barzaga sa nauna nang 97 na mga personalidad na ipinatawag ng CIDG hinggil pa rin sa naging marahas na kilusan nitong Setyembre at tinatayang mayroon pang ibang malalaking personalidad ang kasalukuyang pinagpapaliwanag pa sa himpilan.












