VIGAN CITY – Suportado umano ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagsasapubliko ng Senado sa listahan ng mga “ninja” cops o mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa drug recycling at iba pang aktibidad na may kaugnayan sa iligal na droga.
Ngunit, sinabi ni CHR spokeswoman Atty. Jacqueline Ann de Guia sa Bombo Radyo Vigan na kasabay ng pagsasapubliko ng nasabing listahan na hawak ng Senado ay kailangang mayroong maisampang kaso laban sa mga ito.
Ito ay upang hindi magkaroon ng “trial by publicity” sa panig ng pamahalaan sa pagsasapubliko sa listahan kahit na pagpapakita ito ng pagiging transparent ng pamahalaan.
Hindi aniya magiging matagumpay ang kampanya ng kasalukuyang administrasyon laban sa iligal na droga kung magpapatuloy sa serbisyo ang mga tiwaling miyembro ng PNP sa kanilang gawain kaya dapat na maparusahan ang mga ito.
Idinagdag nito na bagama’t kailangang isapubliko ang pangalan ng mga tinaguriang ninja cops, kailangang igalang din ang karapatan ng mga ito na ipagtanggol ang kanilang sarili mula sa mga akusasyong ibinabato sa kanila.