-- Advertisements --

Suportado ng Commission on Human Rights (CHR) ang pahayag ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. noong nakaraang linggo na dapat gawing prayoridad ang mga healthcare workers sa pagtuturok ng COVID-19 booster shots.

Sa isang statement, sinabi ni CHR spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia na bagamat wala pang rekomendasyon ang World Health Organization (WHO) ang paggamit ng booster shots, ilang medical experts na rin ang nagsabi base sa mga nalikom nilang ebidensya na ilang healthcare workers na naturukan ng COVID-19 vaccines kalaunan ay humihina ang proteksyon kontra sa naturang sakit.

Iginiit ni De Guia na nasa peligro pa rin na mahawa ang mga frontliners kontra COVID-19 dahil sa banta ng Delta variant.

Para ma-sustain ang mga hakbang na ginagawa ngayon ng pamahalaan kontra pandemya, sinabi ni De Guia na kailangan mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga medical fronliners.

Kamakailan lang, sinabi ni Galvez na pabor siyang bigyan ng COVID-19 vaccine booster shots ang mga healthcare workers at ang mga taong mayroong comorbidities.

Subalit hanggang sa ngayon ay naghihintay pa rin sila ng rekomendasyon naman ng World Health Organization at ng vaccine expert panel patungkol dito.

Gayunman, sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na kinukonsidera nila ang mga “ethical issues” hinggil sa pagsusulong ng booster shots ngayong marami pa ring mga Pilipino ang hindi nakakapagpabakuna kontra COVID-19.