-- Advertisements --

Nagkasa ng sariling imbestigasyon ang Commission on Human Rights hinggil sa mga isyu ng umano’y pandurukot sa kapatid ng isang aktibista at dating political prisoner sa Batangas.

Kasunod ito ng pagkalat ng isang CCTV footage na inilabas ng iba’t ibang human rights groups kung saan makikita ang sapilitang pagkuha ng limang armadong lalaki sa biktimang kinilalang si Jose Marie Estiller.

Ayon sa CHR, nagkasa na ng quick response operation ang kanilang Calabarzon regional office nito upang imbestigahan ang insidente ng umano’y pagdukot kay Jose Marie Estiller na kapatid ni Jean Estiller na leader naman ng isang women’s rights group.

Nauna nang inakusahan ng ilang grupo na pawang mga miyembro ng kapulisan at kasundaluhan ang umano’y sangkot sa mga nandukot sa biktima.

Ngunit matatandaan na una na rin itong pinabulanan ng Philippine National Police kasabay ng kanilang ulat na sinilbihan ng PNP-CIDG ng arrest warrant si Estiller matapos ang kusang pagsuko nito sa 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army.

Ayon sa kapulisan, si Estiller ay nagsilbi bilang commanding officer ng Special Partisan Unit, Provincial Unit Guerilla, sa ilalim ng Bicol Regional Party Committee.