TACLOBAN CITY – Bumuo na ng quick reaction team ang Commission on Human Rights (CHR) Regional Office 8 para imbestigahan ang nangyaring insidente ng pananambang ng pinaniniwalaang New People’s Army (NPA) sa Brgy. Libuton, Borongan, Eastern Samar.

Ayon kay CHR-8 Regional Director Atty. Desiree Pontejos, ngayong darating na Lunes ay sisimulan nila agad ang imbestigasyon sa insidente upang mabigyan ng hustisya ang mga namatay na pulis at sibilyan gayundin ang mahigit 10 mga sugatan.

Ang nasabing hakbang ng CHR ay kasunod rin sa inilabas na kautusan ng kanilang central office na magsagawa ng imbestigasyon lalo’t maraming inosente ang nadamay sa nangyaring insidente na maikokonsiderang paglabag sa karapatang pantao.

Naghayag naman ng pakikiramay ang CHR sa pamilya ng mga namatay at sugatang mga biktima.