Ibinunyag ng isang senior military officer na hindi na kailangan pang humingi ng diplomatic clearance ang mga Chinese vessel sa tuwing dumadaan ang mga ito sa international waters.
Kaugnay ito sa naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nararapat lamang na humingi ng clearance ang mga foreign vessel sa tuwing maglalayag ang mga ito sa teritoryo ng bansa.
Ayon sa opisyal na tumangging pangalanan, ang Sibutu at Balabac Straits na malapit sa Tawi-Tawi ay itinuturing na international waters sa ilalim ng United Nations Convention for the Law of the Sea (UNCLOS).
Paliwanag ng opisyal, ang Sibutu ay isang channel na naghihiwalay sa Borneo at Sulu archipelago sa Mindanao habang ang Balabac ay isa sa mga straits na kumukonekta sa South China Sea at Sulu Sea.
Ang Balabac Strait naman ang naghihiwalay sa Balabac Island sa Palawan mula sa Banggi Island sa Malaysia.
Paglilinaw niya na kung papasok na sa loob ng territorial waters ng bansa gaya ng gagawing port call, kailangan na nilang kumuha ng diplomatic clearance dahil kung hindi ay maituturing itong “aggression.”
Aniya, ang tanging mali na ginawa ng mga Chinese vessel ay ang pagpatay ng kanilang Automatic Identification System (AIS) at hindi sumasagot sa Philippine authorities.
Samantala, aminado si Philippine Navy Flag-officer-in-Command (FOIC) Vice Admiral Robert Empedrad na mali ang ginawa ng mga Chinese warship sa pagpatay sa kanilang AIS habang dumadaan sa teritoryo ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Empedrad, kaniyang sinabi na may dahilan minsan kung bakit pinapatay ang AIS lalo na kapag ito ay isang combatant ship.
Pero kung dumadaan lamang sa isang teritoryo, hindi nararapat na patayin ang AIS.
Hindi naman aniya mapipigilan ang mga foreign vessels na dumaan sa may bahagi ng Sibutu at Balabac Straits dahil isa itong archipelagic straits o sealanes of communications na dinadaan ng mga foreign vessels.
Pero lahat ng mga dumadaan na barko ay dapat bumubusina.
Nilinaw ng FOIC VADM Empedrad na ang mga “littoral” monitoring stations na nakakalat sa buong archipelago ang siyang nagmomonitor sa mga foreign vessels na dumadaan sa teritoryo ng bansa kaya namonitor ang pagdaan ng mga Chinese warships at Chinese survey ship na umaaligid sa teritoryo ng bansa.
“Hindi naman siguro na lagi nila pinapatay ang kanilang AIS weather i-on nila yung AIS kasi combatant yan you are not required to pero kung it means your security so ang ginagawa ng mga yan (Chinese ships) pinapatay nila ang AIS pero nakikita naman natin through visual o radar we have our Littoral monitoring stations,” ani VADM Empedrad.