-- Advertisements --

LA UNION – Naninibago ang mga overseases Filipino workers (OFW) sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa mainland China at sa Hong Kong (HK) matapos nagbigay ng paalala ang pamahalaan doon laban sa pagkalat ng novel corona virus.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Joel Cortez na kasalukuyang nagtratrabaho sa mainland China, sinabi nito na malaki ang pagkakaiba ngayon ng pagdiriwang ng bagong taon sa naturang bansa kung ihahambing sa dating masigla at masayang selebrasyon dahil sa takot na rin ng mga residente doon na sila ay tamaan ng naturang sakit.

Ayon kay Cortez, tuwing bagong taon sa kanilang lugar ay marami ang mga taong gumagala.

Ngunit ngayon aniya ay nabibilang na lamang ang nakikita sa mga labas ng mga bahay at gusali.

Wika pa ni Cortez, nagkakaubusan na rin ng face mask na mabibili sa mga tindahan doon.

Samantala, sa Hong Kong naman ay nagkakaubusan na rin ng face mask bilang protection sa virus.

Ayon kay Arlene Galvez na nagtratrabaho sa Hong Kong, nagpatahi na ng mga face mask ang kanyang employer matapos wala silang mabili sa mga tindahan.

Pinayuhan rin sila ng Hong Kong Government na maliban sa face mask ay gumamit na rin ng alcohol o sanitizer bilang panlaban o upang makaiwas sa nasabing virus.

Ngayon araw ang huling pagdiriwang ng Chinese New Year sabi ni Galvez sa kanilang lugar.

Kung dati ay nakagawian ng mga kapwa niya Pilipino na namamasyal ngayo ay nanatili nalang sila sa kanilang mga tirahan.