-- Advertisements --
image 286

Isiniwalat ng isang non-government organization (NGO) na hinarass at ipinag-utos umano ng Chinese maritime militia boats na lisanin ng mangingisdang Pilipino ang Scarborough shoal habang nangingisda ang mga ito sa lugar noong Pebrero 3 at 6 ng kasalukuyang taon.

Ayon sa People’s Development Institute (PDI) nakuhanan sa unang video noong Pebreo 3 ang insidente kung saan ipinaalam ng isang mangingisdang Pilipino sa iba pang indibidwal na nasa lugar na pinapaalis sila ng mga Chinese militia sa lugar.

Sinundan pa daw sila palayo sa scarborough shoal ng dalawang rubber boats na may label na 3065 at 3066.

Daing naman ng isa sa mangingisda na itinaboy ng Chinese militia na akala nito’y pwedeng mangisda sa naturang karagatan dahil ito ang sinabi ng Pangulo subalit hindi pa rin pala.

Sa ikalawang insidente naman na nangyari noong Pebrero 6, ipinapakita na nasa anim na Chinese maritime militia vessels iniikutan ang mga bangka ng ating kababayang mangingisda.

Ang insidenteng ito sa Scarborough shoal ay ang pinakabago sa kamakailangang tensiyon sa pagitan ng China at Pilipinas.

Sa unang bahagi ng linggong ito, iniulat din ang nangyaring pagtutok ng Chinese Coast guard ng military-grade laser sa Philippine Coast Guard habang nagsasagawa ng rotation at resupply mission sa may bahagi naman ng Ayungin shoal.