Nagpahayag ng pagkaalarma ang Chinese envoy kaugnay sa karagdagang Enhanced Defense cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa.
Iginiit ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na sinasamantala ng Amerika ang pagkakaroon ng bagong EDCA sites sa Pilipinas para makialam sa sitwasyon sa Taiwan Strait para maging kasangkapan sa geopolitical goals nito at maisulong ang agenda nito laban sa China.
Hindi rin kumbinsido ang Chinese envoy na gagamitin ang bagong EDCA para protektahan ang nasa 150,000 overseas Filipino workers sa Taiwan.
Hindi aniya aatras ang China sa paggamit ng puwersa at gagawin ang lahat ng kaukulang hakbang upang madepensahan ang kanilang bansa laban sa external interference at lahat ng separatist activities.
Una na ring pinayuhan ni Huang ang gobyerno ng Pilipinas na tutulan ng walang pagaalinlangan ang kasarinlan ng Taiwan na aniya ay banta sa kapayapaan sa may Taiwan Strait.
Mariing iginiit din ng Chinese envoy na bahagi ng teritoryo ng China ang Taiwan.
Ginawa ni Hunag ang naturang pahayag sa idinaos na ika-8 Manila forum sa lungsod ng Pasig na inorganisa ng Chinese Embassy at Association for Philippines-China Understanding.
Sa panig naman ng dating National Security Adviser Clarita Carlos na dumalo din sa naturang forum, inihayag nito na walang basehan ang pangamba ng China dahil walang mga equipment ang maaaring ipreposition sa mga EDCA site at walang infrastructure ang ipapatayo.