Nanawagan ang China sa Estados Unidos na agarang palayain ang Pangulo ng Venezuela na si Nicolas Maduro at ang kaniyang maybahay na si First Lady Cilia Flores at iginiit na ang krisis sa Venezuela ay dapat resolbahin sa pamamagitan ng diyalogo at negosasyon.
Sa pahayag ng Chinese Foreign Ministry, sinabi ng Beijing na dapat ding tiyakin ng US ang personal na kaligtasan ni Maduro at ng unang ginang.
Ayon sa China, ang ginawang pag-aresto at deportasyon sa lider ng Venezuela ay malinaw umanong paglabag sa international law at mga pandaigdigang pamantayan.
Bilang tugon, iginiit ng China na ang mga usapin ng Venezuela ay dapat lutasin ng mga Venezuelan mismo, nang walang panghihimasok ng ibang bansa. Binigyang-diin ng Beijing na ang mapayapang pag-uusap ang tanging paraan upang maibalik ang katatagan at kaayusan sa Venezuela.
Noong Sabado inanunsiyo ni US President Donald Trump na naaresto si Maduro kasunod ng kanilang inilunsad na large-scale strike sa kabisera ng Venezuela na Caracas.
Kung babalikan, matagal nang itinuturing ng US na “illegitimate” ang pamumuno ni Maduro at sinampahan siya ng iba’t ibang kasong kriminal, kabilang ang umano’y pagiging lider niya sa drug cartel.
Noong Marso 2020, inakusahan ng US Department of Justice (DOJ) si Maduro at ilang matataas na opisyal ng Venezuela ng pamumuno umano sa tinatawag na “Cartel of the Suns” (Cartel de los Soles).
Ayon sa DOJ, ang grupong ito ay sangkot umano sa malakihang drug trafficking, partikular sa pagpapasok ng cocaine sa Estados Unidos, at sa pakikipagsabwatan sa mga rebeldeng grupo tulad ng Revolutionary Armed Forces ng Colombia.
Sinampahan si Maduro ng mga kasong narco-terrorism, drug trafficking, at conspiracy. Subalit, mariing itinanggi ni Maduro ang mga akusasyon at tinawag itong politically motivated.
















