Nagtalaga ang China ng apat na militia vessels mula sa Panganiban Reef upang pumosisyon na harangin ang barko ng Pilipinas habang ang ating bansa ay magpapatuloy sa resupply mission sa Ayungin Shoal.
Sinabi ng dating opisyal ng US Air Force at dating Defense Attaché Ray Powell na ang misyon ng Pilipinas ay sinamahan ng mga barko ng Philippine Coast Guard na BRP Cabra at BRP Sindangan.
Sinabi rin ni Powell na idineploy na ng China ang lahat ng 11 AIS-visible Qiong Sansha Yu militia ships simula kahapon.
Dagdag dito, si Powell ang direktor sa Gordian Knot Center para sa National Security Innovation.
Aniya, isang Chinese coast guard ship ang nakita sa Panganiban Reef at inaasahang haharang sa isang bagong resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Kaugnay niyan ay sinabi ng Armed Forces of the Philippines na nakatanggap sila ng katulad na ulat at handa na umano ang mga sundalo sakaling maulit ang water cannon incident noong Agosto 5.
Kung matatandaan, gumamit ng water cannon ang Chinese Coast Guard laban sa armada ng Philippine Coast Guard na nasa resupply mission sa mga tropang Pilipino na nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ilang bansa, sa pangunguna ng United States, Australia, Japan, at Canada naman ang nagpahayag ng suporta para sa Pilipinas at pinuna ang mga agresibong aksyon ng China.