Muling isinailalim ng gobyerno ng China sa strict lockdown ang isang probinsya malapit sa kabisera na Beijing matapos makapagtala ng pagtaas ng mga kaso ng coronavirus.
Sa anunsyo ng mga health officials, ipinatupad ang mas mahigpit na restrictions sa Anxin county sa Hebei province, na may layong 150-kms mula sa Beijing.
Tanging mga essential workers ang maaaring makalabas ng kanilang mga tahanan, habang iisang miyembro lang ng kada household ang papahintulutang lumabas para mamili ng kinakailangang supplies.
Nagbabala rin ang mga otoridad na kanilang parurusahan ang sinumang lalabag sa mga ipinatupad na panuntunan.
Batay sa pinakahuling ulat, may naitala nang 18 kaso sa naturang lugar mula nang mag-umpisa ang pagsirit ng mga kaso sa Beijing dalawang linggo na ang nakalilipas.
Hindi naman daw mataas ang populasyon sa Anxin kaya kumpiyansa ang mga local health experts na mapipigil nila ang pagkalat pa ng virus. (BBC)
















