Inalmahan ng China ang plano ng Pilipinas na pagtatayo ng permanenteng struktura sa Ayungin shoal na nasa loob ng exclusive economic zone ng ating bansa, bagay na hindi na bago sa gitna ng pag-aangkin ng China sa buong disputed water.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning, makakasira umano ito sa uninhabited at facility-free status ng shoal na napagkasunduan sa Declaration ng Conduct of parties sa pinagtatalunang karagatan.
Nagbabala din ang Chinese official na gagawa ng kaukulang hakbang laban sa anumang paglabag sa umano’y kanilang soberaniya at anumang probokasyon.
Una ng inihayag ng tagapagsalita ng Armed Forces of the PH na si Col. Medel Aguilar na handang gampanan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang anumang tungkulin na ibibigay sa kanilang ng pamahalan sa gitn ng isinusulong ng ilang mambabatas na pagtatayo ng permanenteng istraktura sa ayungin shoal sa harap ng lumalalang sigalot sa West PH Sea.
Una na ngang kinumpirma ni Sen. Sonny Angara na naglaan ng pondo sa 2024 national budget ang mga mambabatas para sa pagtatayo ng struktura sa shoal na bahagi ng munisipalidad ng Kalayaan sa Palawan.
Samantala, Sa kabila naman ng patuloy na paggigiit ng China sa mga claims nito, naninindigan pa rin ang gobyerno ng PH na ang Ayungin shoal ay nasa loob ng exclusive economic zone ng ating bansa na 194 kilometers mula sa probinsiya ng Palawan kung saan isinadsad ang military outpost ng ating bansa sa West PH Sea na BRP Sierra Madre.