-- Advertisements --

Iginiit ng China na mayroon itong “indisputable sovereignty” sa mga isla sa pinagtatalunang karagatan.

Ito ang naging pahayag ng China partikular na ni Wang Wenbin, tagapagsalita ng Foreign ministry ng China bilang tugon sa desisyon ng gobyerno ng Pilipinas na hindi ikonsidera ang concept paper na isinumite ng panig ng China kaugnay sa maritime dispute.

Sinabi din ng Chinese official na handa ang China na ipagpatuloy ang maayos na pamamahala sa mga pagkakaiba nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng diyalogo at konsultasyon.

Kasabay nito, gagawa din umano ang China ng mga determinadong hakbang upang mahigpit na pangalagaan ang soberanya ng kanilang teritoryo at mga karapatan at interes sa karagatan.

Una na ngang sinabi ng Philippine Foreign ministry nitong Martes na nakatanggap sila mula sa China ng ilang concept papers kaugnay sa iba’t ibang panukalang may kinalaman sa maritime dispute sa West Philippine Sea ngunit hindi ikinonsidera ang ilan sa mga ito dahil labag sa pambansang interes ng bansa sa Southeast Asia.

Sinabi ng foreign ministry na isa sa mga panukala mula sa China ay ang paggiit nito ng mga aksiyon ng pagsang-ayon o pagkilala sa kontrol at pangangasiwa ng China sa Second Thomas Shoal o Ayungin shoal dahil ang teritoryo nito ay hindi maaaring ikonsidera ng Pilipinas nang hindi nilalabag ang Konstitusyon ng Pilipinas o international law.

Una rito, sinabi ng DFA sa isang statement na nagulat ito sa pagsisiwalat ng China ng mga sensitibong detalye hinggil sa kanilang mga bilateral talks at binigyang diin na kanilang tinutugunan ang naturang mga confidential negotiations nang may buong sinseridad.