Inihayag ng National Security Council (NSC) na gumagamit ang China ng mga taktika para malihis ang atensiyon ng Pilipinas sa gitna ng umiigting na tensiyon sa West Philippine Sea.
Saad pa ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na gumagamit pa ang China ng mga alepores o ang tinatawag na operators o proxies bilang force multipliers na magkakaiba umano ang nilalabas na pahayag ngunit gumagamit ng partikular na script para pagsabungin ang mga kinauukulan ng bansa.
Ganito aniya ang ginawa ng China na nagbigay ng kanilang iba’t ibang bersiyon sa kung ano ang nangyari sa kamakailangang resupply mission sa Ayungin shoal.
Inihalimbawa nito ang naging pahayag ni Chinese Ambassador Huang Xilian na nagsabing mayroong special arrangement sa pagitan ng Pilipinas at China na nagpapahintulot sa pagdadala ng mga suplay sa tropa ng Pilipinas na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre.
Subalit una ng sinabi ng mga opisyal ng Pilipinas na wala ganoong kasunduan at nanindigan na hindi kailangang humiling ng bansa ng permiso mula sa anumang bansa sa mga aktibidad nito sa loob ng ayungin shoal na nasa loob ng exclusive economi zone ng PH.
Samantala ayon kay Malaya, ang pinakamainam na paraan para ma-counter ang taktikang ito na kaniyang tinawag na cognitive warfare ay sa pamamagitan ng pagpapamulat ng kamalayan.
Saad pa ng NSC official na ginagawa ng bansa ang paglalabas ng footage mula sa kanilang resupply mission para maipakita ang aksiyon ng China Coast Guard sa mga barko ng bansa.