Hinatulang guilty beyond reasonable doubt ng Taguig City Regional Trial Court Branch 266 ang child rights defender na si Maria Salome Crisostomo-Ujano dahil sa rebelyon.
Sa 56 na pahinang desisyon ng korte, sinentensiyahan si Ujano ng pagkakakulong ng 10 taon hanggang 17 taon at 4 na buwan.
Matatandaan na inaresto si Ujano noong Nobiyembre 14, 2021 ng kapulisan na nakasuot ng simpleng damit na hindi nagpakita ng anumang identification dahil daw sa kasong rebelyon dahil sa umano’y pagkakasangkot ni Ujano sa pag-ambush sa 2 military personnel sa Quezon province noong 2005.
Inihain ang kasong rebelyon laban kay Ujano noong 2006.
Ayon naman sa desisyon ng korte, nakilala umano ng testigo ng prosekusyon si Ujano sa nangyaring engkwentro noong 2005.
Kaya’t sinabi ng korte na hindi ito kumbinsido sa alibi ni Ujano na nasa iba siyang lugar nang mangyari ang pag-atake na hindi sinusuportahan ng malinaw at kapani-paniwalang ebidensiya.
Samantala, sinabi naman ng korte na bigo ang prosekusyon na patunayang umakto bilang lider ng New People’s Army si Ujano nang mangyari ang engkwentro laban sa pwersa ng gobyerno at bigo ding mapatunayang si Ujano ang nag-utos sa ibang miyembro ng grupo.
Sa kampo naman ni Ujano, sinabi ng kaniyang abogado na si Atty. Finella Jocom na iaapela nila ang desisyon ng korte.
Mananatili naman ang child right activist sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong city matapos makansela ang kaniyang piyansa.
Si Ujano ay isang executive director ng Women’s Crisis Center mula 2000 hanggang 2007 at naging national director ng Philippine Against Child Trafficking mula 2008 hanggang sa kasalukuyan.
Noong nakaraang taon kinilala pa siya ng United Nations Women-Philippines para sa kaniyang pagsusulong para sa karapatang pantao at ginawaran ng titulong Feminist Champion against Gender-Based Violence.