Sinibak na sa puwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde ang hepe ng Midsayap, North Cotabato, at General Santos City, matapos ang magkahiwalay na pagsabog kahapon.

Kinilala ang chief of police ng Midsayap na si Police Supt Samuel Cadungon, habang si Police Senior Supt. Raul Supiter naman ang chief ng General Santos City Police Station.

Ayon sa PNP chief, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters pa rin ang kanilang pinaghihinalaang nasa likod ng dalawang pagpapasabog.

Wala naman iniulat na nasaktan sa naganap na pagsabog ng improvised explosive device pasado alas-7:00 kagabi sa Theresa’s Place Videoke Bar sa Poblacion 4, Midsayap, North Cotabato; habang walo ang sugatan sa pagsabog sa GenSan kahapon ng umaga.