-- Advertisements --

Sinibak sa puwesto ang hepe ng Daraga-Municipal Police Station kasunod nang pananambang kay AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe matapos magsagawa ng gift giving sa Barangay Burgos.

Sa report na inilabas ng Police Regional Office-5, epektibo nitong Linggo ang relieve order kay P/Supt. Benito Dipad.

Nag-assume na rin bilang bagong hepe ng Daraga Municipal Police Station si P/Supt. Dennis Balla.

Kabilang sa dahilan nang pagkakasibak sa puwesto kay Dipad ay para bigyang-daan ang ongoing investigation sa insidente.

Una nang sinabi ni Dipad na hindi nakipag-ugnayan ang grupo ni Batocabe sa Philippine National Police (PNP), dahilan kaya hindi sila nabigyan ng sapat na security escorts.

Mariin naman kinondena ng PNP ang pamamaslang sa mambabatas.

Samantala, nagpapatuloy na rin ang imbestigasyon ng binuong special investigation task group na siyang nakatutok sa kaso.

Una nang sinabi ng PNP-Region 5 na nagtamo ng walong gunshot wounds sa kaniyang katawan si Rep. Batocabe.

Habang ang kaniyang police na security escort na si SPO1 Diaz ay nagtamo ng dalawang gunshot wounds sa ulo, isa sa left chest, isa sa abdomen, at tig-isa sa binti nito.

Tinukoy ng PNP na nasa anim na suspek ang kanilang tinutugis na nasa likod ng pamamaril kay Batocabe.