CENTRAL MINDANAO – Binisita din ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa tanggapan nito at pulisya sa lungsod.
Bahagi ng command visit ng pinuno ng pambansang pulisya ang kanyang pagpunta sa syudad at sa iba pang pangunahing police stations sa Rehiyon 12.
Napag-usapan nina Mayor Evangelista at Eleazar ang peace and order situation ng lungsod at ang kampanya ng city government kontra COVID-19.
Sinang-ayunan naman ni Eleazar ang mga ginagawang hakbang ng city government katuwang ang City PNP sa kampanya laban sa kriminalidad pati na ang mahalagang papel ng kapulisan sa pagpapatupad ng minimum health protocols sa lungsod.
Pinuri din ni Eleazar ang city government sa suporta at pagbibigay ng kinakailangang logistics ng City PNP na nagresulta sa pagkakahirang nito bilang Most Outstanding Component City PNP Unit ng rehiyon noong taong 2020.
Mahalaga aniya, ang suporta ng bawat lokal na pamahalaan at ng komunidad sa pangkalahatan upang mapagtagumpayan ng kapulisan ang mandato nito na magbigay seguridad at labanan ang kriminalidad.
Hahanapan naman daw ng paraan ni Eleazar ang hiling ni Mayor Evangelista na pondong abot sa P5 million para sa expansion at iba pang renovation ng tanggapan ng city PNP.
Bago nakipagkita kay Mayor Evangelista, nagsagawa muna ng ocular inspection si Eleazar sa Kidapawan City police station.
Pinaalalahanan niya ang local PNP at maging ang mga non-uniformed personnel na gampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin at ibigay ang nararapat na serbisyo sa mamamayan sa lahat ng panahon.