Inaprubahan na ng House Committee to Public Order and Safety na pinamumunuan ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez ang substitute measure sa House Bill (HB) 1427, na inaasahang maging matibay, komprehensibo, at omnibus law para protektahan ang mga tao at buwagin ang lahat ng mga sandatang kemikal at pang-aabuso.
Ang HB 1427 o ang “Chemical Weapons Act,” na isinulat ni PATROL Party-list Rep. George Bustos, ay naghahangad ng pagkakaayon ng bansa sa Chemical Weapons Convention (CWC).
Ipinahayag ni G. Louie Intalan ng Anti-Terrorism Council Program Management Center (ATC-PMC) na ang substitute measure ay ihahanay ang bansa sa mga obligasyon ng bansa sa CWC.
Ipinaliwanag niya na nilagdaan at niratipikahan ng bansa ang kumbensyong ito noong 1995 at naging partido sa kombensiyon noong 1997.
Nagsagawa rin ng imbestigasyon ang panel sa mga iregularidad ng San Pablo City, Laguna at Passi City, Iloilo police officers.
Sinaway ng mga mambabatas ang mga sangkot na pulis ng San Pablo City na patuloy na pinabulaanan ang mga ebidensyang nakuhanan ng closed-circuit television (CCTV) sa isinagawang buy-bust operation noong Mayo 18, 2023.
Nangako si Committee Senior Vice-Chairperson at Antipolo City Rep. Acop na sisiguraduhin na ang mga sangkot na pulis ay madidismiss, at magsasampa siya ng mga posibleng kaso para sa pagdukot, paglabag sa domicile, robbery at perjury.
Sa huli, hinarap ng panel ang insidente noong Agosto 8, 2023 sa road rage na kinasasangkutan ng isang dinismiss na pulis na si Wilfredo Gonzales at isang siklista sa kahabaan ng Quezon Avenue.
Hiniling ni Attorney Raymond Fortun sa komite na magsagawa ng buong pagsisiyasat para tumulong sa pagbuo ng mga bagong batas o pag-amyenda sa mga kasalukuyang batas. Iminungkahi niya ang mga batas para sa karagdagang proteksyon ng mga siklista, batas na namamahala sa pagpapalagay ng kasalanan sa mga aksidente sa bike lane at alitan, at pag-amyenda sa Republic Act 10591 o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” at iba pang kaugnay na batas.
Ang mga pagsisiyasat na ito ay isinagawa upang matukoy ang kahalagahan ng paglalagay ng mga CCTV camera sa mga establisimiyento ng negosyo, pamahalaan at pampublikong gusali, kalye, eskinita at lahat ng paaralan.