-- Advertisements --

Kasunod ng karumal-dumal na insidente ng pambobomba sa Mindanao State University (MSU) noong Linggo, Disyembre 3, inihayag ng Commission on Higher Education (CHED) na titiyakin nito ang pagsusuri sa mga patakaran ng unibersidad.

Bilang Chairman ng MSU Board of Regents, sinabi ni CHED Chairperson Prospero De Vera III na sisiguraduhin niyang susuriin ang mga patakaran ng unibersidad para matiyak na maidagdag ang mga hakbangin para sa kaligtasan at seguridad upang hindi na maulit ang kasuklam-suklam na insidente.

Hinimok din ni De Vera ang mga board ng iba pang higher education institutions (HEIs) na suriin at pahusayin ang kani-kanilang safety at security measures.

Sinabi din ng CHED na nalungkot at nabigla ito sa malagim na insidente ng pambobomba at iginiit na
walang lugar ang karahasan sa isang sibilisadong lipunan, partikular sa isang Higher education institution.

Inihayag din ni De Vera na makikipagtulungan ang CHED sa MSU President at mga opisyal para mag-alok ng kailangang counseling at suporta sa mga apektadong indibidwal, lalo na ang mga kawani at estudyante ng unibersidad.