-- Advertisements --

Inirekomenda ng Commission on Higher Education (CHED) na isama ang disaster response training sakaling gawin muli na mandatoryo ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).

Ayon kay CHED chairman Prospero De Vera, mahalaga ang pagsasanay ng mga estudyante hindi lamang sa military training kundi maging sa mahalag din aniya na bumuo ng isang pangkat ng mga estudyante o volunteers na aalalay sa gobyerno sa tuwing may sakuna.

Binigyang diin ni De Vera na sa tuwing magkakaroon ng sakuna, umaasa ang ating bansa sa armed forces na nakakapilay sa resources ng gobyerno.

Pero sa ngayon ayon sa CHED official na kanila pang aantayin at titignan kung ano ang magiging aksyon ng Kongreso para muling maibalik ang ROTC. Sakaling maihain ang naturang panukala na gagawin ang ROTC sa higher education, kanila pa itong pag-aaralan subalit kung sa senior high school lamang, ang Department of Education ang may hawak dito.

Aminado naman ang defense department na isang malaking hamon na ang gawing mandatory ang ROTC sa bansa.

-- Advertisement --

Nauna rito, isa sa ipinanukala ni Presumptive vice-president Sara Duterte-Carpio noong election campaign ang mandatory military service para sa lahat ng Pilipino edad 18 pataas.