CAUAYAN CITY – Iginiit ng executive director ng Ibon Foundation na dapat a magkaroon ng check and balance sa Maharlika Investment Fund (MIF) at malaman kung paano gagamitin ang pondo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Executive Director Sonny Africa ng Ibon Foundation na hindi kapani-paniwala ang sinasabi ng mga proponent ng MIF na makakapag-generate ito ng 350,000 na trabaho sa bansa.
Aniya, ipinapangako at sinasabi ni Senador Mark Villar na ang Maharlika Investment Fund ay makapagbibigay ng libu-libong trabaho ngunit posibleng panlilinlang lamang ang kanyang pahayag.
Wala ring maipakita na argumento si Senador Villar kaya maituturing na kaduda-duda ang MIF at mayroong silang itinatago ukol dito.
Binigyang-diin ni Ginoong Africa na dapat ang MIF ay magkroon ng check and balance dahil lahat ng mga miyembro ng Board ng MIF at appointee ay kaalyado ng Marcos Administration.
Maituturing din anyang long term fund ang Maharlika Investment Fund na dapat lamang pag-aralang mabuti.