-- Advertisements --

Naglabas ng kautusan ang korte sa Pasig City na ilipat sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City ang pinatalsik na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos ang hatol sa kaniya dahil sa qualified human trafficking.

Base sa apat na pahinang kautusan mula sa korte sa Pasig na naka-address sa Corrections Superintendent ng CIW, ay ipinapasakamay nila sina Alice Leal Guo, Rachelle Joan Malonzo Carreon, at Jaimielyn Santos Cruz.

Magugunitang hinatulan si Guo ng Pasig Regional Trial Court Branch 167 matapos mapatunayang guilty ng qualified human trafficking at nahatulang makulong ng habambuhay.

Naghain ang kampo ni Guo ng mosyon na kung maari ay doon ito manatili sa Pasig City Jail Female Dormitory subalit ito ay ibinasura ng korte.

Tiniyak naman ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Gregorio Catapang ang seguridad at mailalagay si Guo sa regular dormitory sa Maximum Security Camp.