Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go na hindi ngayon ang tamang oras para baguhin ang Konstitusyon sa gitna na rin ng mga anomalya na nauugnay sa “pekeng” people’s initiative campaign.
Sa pagdinig ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, inihayag ni Go, hindi dapat piliting isulong ang people’s initiative para lamang sa interes ng iilan.
Binigyang-diin ni Go sa pagdinig ang kahalagahan ng Konstitusyon bilang pundasyon ng demokrasya ng bansa.
Aniya, ang anumang pagbabago sa Saligang Batas ay dapat na sumasalamjn sa kagustuhan ng mga tao at unahin ang kapakanan ng mga mahihirap.
Naalarma din ang senador matapos ibunyag ng mga testigo ang kanilang mga testimonya na sila ay binayaran sa pamamagitan ng mga programang panlipuan kapalit ng pirma upang amyendahan ang Konstitusyon.
Punto ni Go, kung totoo man ang mga testimonya nangangahulugan na hindi ito people’s initiative.
Kinondena ng senador ang anumang anyo ng panunuhol at nanawagan ng pananagutan kung may mga pagkakataon ng pamimilit sa pagkuha ng mga lagda.
“Ang pera ng bayan dapat gamitin para sa serbisyo sa ating mga kababayan. Walang kapalit ang tulong mula sa gobyerno. Pera niyo po ‘yan. Kung mayroong sinuhulan, bribery po ‘yan at hindi po yan free will ng Filipino people,” saad ni Go.
Nagbabala rin si Go laban sa kasalukuyang anyo ng people’s initiative, na, sa kanyang pananaw, ay nagsa-sideline sa Senado at binabawasan ang tungkulin nito bilang boses ng mamamayang Pilipino.
“Dapat po nating tutulan ang uri at anyo ng nagmimistulang people’s initiative na isinusulong ngayon. Tinatanggal ang boses ng Senado na boses ng taumbayan. Magiging irrelevant po ang boses ng Senado. Parang balewala kami kung voting jointly ang magiging sistema,” paliwanag ni Go.
“Dapat mapaintindi ito sa taumbayan na parang isang boto na lang kami out of 316 plus 24, so 340 ‘pag voting jointly. Magiging balewala na po kahit wala ni isang senador na mag-aattend. Mawawalan ng boses ang mga senador na hinalal ng taumbayan mula sa iba’t ibang sulok ng bansa,” dagdag pa niya.
Nagpaalala naman si Go na responsibilidad ng lahat na protektahan ang Saligang Batas, Senado, at ang demokratikong kagustuhan ng sambayanang Pilipino.