Iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat sagutin ng gobyerno ang gastos para sa certification ng mga technical-vocational-livelihood graduates sa senior high school.
Pinuna ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education ang tinatawag niyang dead end para sa mga senior high school graduates na kumuha ng TVL track.
Aniya, sariling sikap ng mga graduates ang paghahanap ng testing center bago makatanggap ng National Certificate (NC) I o National Certificate II na magbibigay sa kanila ng mas mataas na posibilidad na makakuha ng trabaho.
Sa isinagawang pagdinig ng Batang Magaling Act Senate Bill No. 2022, binigyang diin ni Gatchalian na kayang sagutin ng gobyerno ang gastos upang mabigyan ng certification ang mga TVL graduates na wala pang certification.
Lumabas sa isinagawang pagdinig na humigit-kumulang P358 milyon ang kinakailangan upang mabigyan ng certification ang mga TVL graduates mula SY 2020-2021 na wala pang certification.
Ayon kay Gatchalian, maliit na halaga ito kung titignan ang P710 bilyon na pondo ng DepEd.
Dagdag ni Gatchalian, ipapanukala niyang isama sa national budget ng susunod na taon ang pondo para sa mga naturang certifications.