-- Advertisements --

CEBU CITY — Sa kulungan ang bagsak ng nagpakilalang Chief Executive Officer (CEO) ng isang investment scheme matapos itong naaresto sa Barangay Bogo, bayan ng Argao sa Cebu.

Nahuli sa bisa ng warrant of arrest ang suspek na si John Rafael Revilla, 36-anyos na taga-Barangay Calumpang, General Santos City.

Ayon sa deputy chief ng CIDG (Criminal Investigation and Detection Group)-7 na si Police Major Ronald Allan Tolosa, nag-alok ang CEO ng isang foreign exchange company ng “double pay” para sa mga gustong mamumuhunan sa kanya.

Sinabi ni Tolosa na tumagal ng tatlong buwan ang investment scheme na tinatawag na “Shantal” kung saan marami umano ang nag-invest ngunit wala pa silang natatanggap na return of investment.

Dagdag pa nito na may mga nabiktima rin daw sa naturang scam habang nagtatago ang suspek sa Cebu.

Sinasabing binulsa ni Revilla ang P600 million mula sa iligal na investment.

Nakatakdang ibiyahe ang suspek pabalik ng General Santos City upang harapin ang kasong syndicated estafa.