CEBU CITY – Malaking cash incentives mula sa Cebu City Government ang nag-aabang sa mga Cebuano athletes na namayagpag sa naganap na 30th South East Asian (SEA) Games.

Sa courtesy call ng mga atleta sa Cebu City Hall, ipinaalam ni Mayor Edgardo Labella na mas malaki ang ibibigay nilang cash para sa mga nakakuha ng medalya dahil sa kanilang pagpupursige.

Makakatanggap ang gold medalist ng P300,000 na cash; P200,000 naman para sa mga silver medalists; at P100,000 para sa mga naka-bronze medal.

Ayon kay Labella, karapat-dapat na bigyang-pugay ang mga atleta ng Cebu na nagtagumpay sa biennial sports meet ng Southeast Asia na higit pa sa palakpakan.

Dahil dito, iniutos ng alkalde ang City Council na magpasa ng resolusyon na magbibigay ng cash incentives sa naturang mga atleta.

Dumalo sa courtesy call ang ilang Cebuano athletes gaya nina Wilbert Aunzo at Pearl Marie Cañeda na kapwa gold medalists sa dancesport, double gold medalist na si Margielyn Didal, marathoner at silver medalist na si Mary Joy Tabal, at marami pa.

Present din sa courtesy call si Philippine Sports Commission Commissioner Ramon Fernandez at Cebu City Sports Commission Chairman Eduward Hayco.