Asahan umano ang mainit at mas malakas na ugnayan sa pagitan ng Negros Oriental at lalawigan ng Cebu kasunod ng nangyaring pagpupulong nina Gov. Gwen Garcia at Gov. Manuel Sagarbarria.
Pinasalamatan pa ni Garcia si Sagarbarria dahil nagkusa itong makipagkita sa kanya at nagpapakita lang umano ito ng pagkakaisa ng dalawang lalawigan.
Malaking advantage din umano ito sa kani-kanilang mga teritoryo para isulong ang mas maliwanag na kinabukasan dahil bilang mga lider, may malaking papel pa sila sa pagpapaunlad at pagbangon ng ekonomiya.
Tiniyak naman ng gobernadora na magiging mahusay siyang tagapayo sa administrasyon ni Sagarbarria lalo pa’t magkamag-anak lang din umano ang dalawang lider.
Samantala sa kanyang ipinaabot na mensahe sa mga NegOrenses,ipinangako ng opisyal na laging nandiyan ang Cebu para suportahan sila at ang kanilang lalawigan gaya ng ginawa sa mga nakalipas na mga taon.
Siniguro din nito na handang makipagtulungan at makipag-ugnayan ang probinsya para magkaroon ng pag-unlad na parehong matagal nang gustong makamit.
Matatandaan na nagkaroon ng pagpupulong ang dalawang gobernador noong Huwebes kaugnay sa isyu ng African Swine Fever at mga hakbang na gawin upang makabangon muli ang kani-kanilang ekonomiya partikular sa industriya ng baboy.