Ipagpapatuloy ng Pamahalaang Lungsod ng Cebu ngayong araw, Agosto 15, ang pamamahagi ng P5,000 na tulong pinansyal sa mga kwalipikadong biktima ng nagdaang bagyong Odette ayon sa pag-anunsyo kahapon ni Cebu City Mayor Mike Rama.
Kabuuang P105 million pesos ang nakatakdang ipamahaging cash assistance ng lungsod at P33 million pesos ang para sa araw na ito.
Natukoy na rin ang walong barangay dito kung saan makakatanggap ng tulong pinansyal ang mga benepisyaryo.
Ang mga barangay na ito ay: Basak San Nicolas (1,698 benepisyaryo); Lorega (938 benepisyaryo); Malubog (10 benepisyaryo); Poblacion Pardo (1,526 benepisyaryo); Punta Princesa (1,462 benepisyaryo); Sambag II (1,606 benepisyaryo); Sudlon I (19 na benepisyaryo); at Tisa (3,749 benepisyaryo).
Matatandaan na itinigil ng lungsod ang pamamahagi ng tulong pinansyal noong nakaraang taon dahil sa ilang isyu tulad ng pagdoble ng pangalan ng mga benepisyaryo, at iba pa.
Nakatakda namang isasapinal ang iskedyul para sa pamamahagi ng P5,000 na tulong para sa mga natitirang barangay.
Batay naman sa pagsusuri ng Department of Social Welfare and Services (DSWS), mayroon pa ring ilang benepisyaryo mula sa 17 barangay na kuwalipikado pa ring tumanggap ng tulong pinansyal na aabot sa P67 milyon pesos.