-- Advertisements --

Isinama na rin ng Inter Agency Task Force na nakatutok sa Cebu COVID-19 response ang local business groups, para sa paghahanap ng solusyon sa epekto ng coronavirus.

Ayon kay Environment Sec. Roy Cimatu sa panayam ng Bombo Radyo, maliban sa mga lokal na opisyal, mahalagang mapakinggan ang saloobin ng mga negosyante dahil kabilang sila sa mga apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).

Hamon nito sa mga stakeholders, tumuwang sa aksyon upang mapababa ang bilang ng mga dinadapuan ng sakit, upang sama-samang makabangon mula sa naturang problema.

Umaasa rin itong mabilis na mareresolba ang pagtaas ng COVID cases, ngayong nakita na ng mga mamamayan ang halaga ng pagtalima sa minimum health protocols.

Una rito, tinawag pa ni Pangulong Rodrigo Duterte na may ilang taga Cebu ang naging matigas ang ulo at hindi sumusunod sa mga paghihigpit, kaya lumobo ang mga nagpositibo sa deadly virus.