-- Advertisements --

Ipinatigil na simula ngayong araw, Agosto 29, ang operasyon at paggamit ng mga iligal na istruktura tulad ng floating at fixed cottages sa coastal waters ng Cordova Cebu.

Inilabas ngayong araw ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang Executive Order No. 25 na nagbabawal sa operasyon at paggamit ng nasabing mga iligal na istruktura sa tubig-dagat ng bayan para sa agarang rehabilitasyon sa lugar.

Una nang lumabas sa isinagawang imbestigasyon ni Cordova Mayor Cesar Suan at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang mga unregulated cottage ay nagbigay-daan na dumiristo sa dagat ang solid at liquid waste dahil sa kawalan ng tamang waste management facilities.

Bukod pa sa pagpapatakbo nang walang special permit mula sa tanggapan ng Alkalde at iba pang ahensya ng gobyerno, malaki rin ang naiambag ng fixed at floating cottages sa mataas na antas ng mapaminsalang fecal coliform bacteria sa dagat na sakop ng munisipalidad.

Samantala, ipinag-utos na ng gobernadora sa mga sakop ng Philippine National Police, PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard, Naval Forces Central, at Maritime Industry Authority na ipatupad ang nasabing EO.