-- Advertisements --

Kakausapin na ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Speaker Alan Peter Cayetano at Presumptive Speaker Lord Alan Velasco kaugnay pa rin sa kanilang girian sa House leadership.

Magugunitang kahapon, iniluklok ng mga kongresista si Velasco bilang bagong speaker sa isinagawang session sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City habang naninindigan naman si Cayetano bilang lehitimong speaker.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, itinakda ang nasabing meeting mamayang 12:30 ng tanghali sa Malago Clubhouse.

Inaasahang layunin din ng meeting na ayusin ang gusot sa pagitan nina Cayetano at Velasco bago ang pagbubukas ng special session ng Kongreso mamayang alas 3 ng hapon para talakayin ang 2021 proposed national budget.

Inihayag ni Sec. Roque na tatalakayin sa pulong ang pagpasa ng national budget.