Walang katuturan para kay PBA party-list Rep. Jericho Nograles ang sinasabing ouster plot laban kay House Speaker Alan Peter Cayetano, lalo na at ibinibitang ito kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Paliwanag ni Nograles, ilang buwan na lamang ay papalitan na ni Velasco si Cayetano sa speakership post alinsunod na rin sa kanilang term-sharing agreement na nabuo sa tulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod dito, kahapon ay mariing pinabulaanan na rin aniya ni Velasco ang alegasyon ni Cayetano at iginiit na walang balak na hindi tuparin ang kasunduan nilang dalawa.

“Wala talaga kaming pinag-uusapang coup. Ang pinag-uusapan namin eh kung ano ang gagawin namin ngayon para sa ating mga constituents,” giit ni Nograles.

Sakaling totoong mayroon ngang binubuong ouster plot laban kay Cayetano, sinabi ni Nograles na malabo rin itong makalikom ng suporta mula sa kapwa nila kongresista dahil mangangahulugan lamang ito nang kanilang pagsaway sa posisyon ni Pangulong Duterte.

-- Advertisement --

“The members of congress are generally expecting a change of leadership dahil yun ang pinag-usapan at hindi siguro i-preempt yan ng any member of congress dahil andyan na ..expected na yung change of leadership,” dagdag pa ni Nograles.

Kaya umaapela ito kina Velasco at Cayetano na pangatawan ang pagiging statesman at magkipagkamay sa harap ng publiko para na rin maipakita na sila ay solido alang-alang sa Republika ng Pilipinas.