Humingi na ng paumanhin si Speaker Alan Peter Cayetano sa mga senador matapos sabihin kahapon na ang Senado ang siyang dapat sisihin kung magkaroon man ng delay sa approval ng 2021 proposed budget na maaring magresulta sa reenacted budget.
Sa kanyang Facebook live nitong hapon, sinabi ni Cayetano na nakausap na niya si Senate President Vicente Sotto III patungkol dito at ipinaabot na rin sa iba pang mga senador ang kanyang paumanhin.
Tinawagan ni Cayetano si Sotto para linawin dito na hindi siya naninisi pero kung magkaroon man aniya ng “reenacted budget” ay hindi ito sa parte ng Mababang Kapulungan.
Maliit na bagay lamang aniya ito at tiyak naman na maayos kaagad ang issue sa oras na maisalang na sa bicameral conference committee ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Binigyan diin ng lider ng Kamara na walang may kasalanan dito sapagkat hindi naman inaasahan ang COVID-19 pandemic, dahilan kung bakit hindi rin kaagad naisumite ng Department of Budget and Management ang 2021 National Expenditure Program (NEP) ilang araw matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo.
Mababtid na Agosto na nang matanggap ng Kamara ang kopya ng NEP mula sa DBM.
Sa kabila nito, tiniyak ni Cayetano na patuloy ang trabaho sa kanilang hanay upang sa gayon ay matiyak ang target na third reading approval ng budget sa darating na Nobyembre 16.
Ito ay para na rin aniya maisumite kinabukasan ang kopya ng budget sa Senado at para kanila naman itong mabusisi.