-- Advertisements --

Tiniyak ni Speaker Alan Peter Cayetano kay Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang gagalangin ang term-sharing agreement sa pagitan niya at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, pero hindi raw niya masasabi ito para sa “majority” ng kongresistang nais siyang manatili sa puwesto.

Ginawa ni Deputy Speaker LRay Villafuerte ang naturang pahayag kasunod nang pagpupulong nila sa Malacañang kagabi kasama si Pangulong Rodrigo Duterte para ayusin ang issue sa House speakership.

Ayon kay Villafuerte, nilinaw ni Cayetano na gagalangin niya ang term-sharing agreement na binuo ni Pangulong Duterte mismo sa nakalipas na 14 na buwan.

“Speaker Alan clearly made it clear through his statement that he will honor the agreement and he also said, sabi niya ‘Mr. President I will resign anytime. However, I cannot speak for my supporters in the majority who signed.’ So that was clear,” ani Villafuerte.

Pero umaapela raw sila kay Pangulong Duterte na hayaan ang mga kongresista na magdesisyon sa kabila ng kasunduan sa pagitan nina Cayetano at Velasco lalo pa at maganda naman ang trust rating ng Kamara sa ngayon.

Kagabi, lumutang ang balita na simula Oktubre 14 ay si Velasco na ang uupong Speaker ng Kamara base na rin sa term-sharing deal nila ni Cayetano.