-- Advertisements --

Pinagbibitiw sa pwesto ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr ang mga opisyal ng Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry (BPI) kung muling sisirit sa P600-P700 ang presyo ng sibuyas.

Ito ang naging pahayag ni Barzaga sa isinagawang moto propio investigation ng Committee on Agriculture kaugnay sa hoarding at price manipulation ng mga agricultural products partikular ang sibuyas.

Sinabi ng mambabatas, sa sandaling maulit ang napakataas na presyo ng sibuyas, ipinapakita lamang nito na hindi ginagampanan ng Department of Agriculture ang kanilang trabaho.

Batay sa pahayag ng KASAMNE cold storage, noong nagsimula ang bentahan ng sibuyas nitong Marso ay pumalo ang farm gate price nito ng P55 hanggang P120.

Inamin naman ni Bureau of Plant Industry (BPI) Assistant Director for Regulatory Services Ruel Gesmundo na hindi sinisiyasat ng BPI ang mga aktibidad ng cold storage facilities, kabilang ang dami ng mga nakaimbak na produkto,dahilan na binatikos ni Rep. Jayjay Suarez ang BPI.

Punto ni Suarez na kritikal ang kaalaman sa mga pamamaraan ng mga pasilidad ng cold storage sa pagtukoy ng kasapatan ng mga produktong pang-agrikultura at inutusan ang BPI na subaybayan ang mga suplay sa mga pasilidad na ito upang maiwasan ang pag-iimbak, at upang matiyak ang napapanahong pagpapalabas ng mga nakaimbak na produkto.

Samantala, binanggit naman ni Rep. Quimbo na si G. Renato Francisco Jr. ng Yom Trading Corporation at G. Eric Pabilona ng Tian Long Trading ay tila walang kamalayan sa uri ng kanilang negosyo.

Ang dalawang tao ay kinilala bilang mga shareholder ng Phil Vieva kasama ang negosyanteng si Ms. Lilia Cruz.

Inutusan naman ni Rep. Barzaga ang Bonena Multipurpose Cooperative Chairman na si G. Israel Reguyal, at ang mga bidders, sina G. Victor Jimenez, G. Romeo Relayo at G. Reynaldo Lapat na magbigay ng paliwanag sa panel kung bakit hindi dapat ma contempt G. Reguyal, matapos laktawan ang apat na magkakasunod na pagdinig.

Itinuturing ni Rep. Barzaga na mahalaga ang presensya ni G. Reguyal sa isinasagawang imbestigasyon.

Ang moto propio investigation, isinasagawa batay sa bisa ng House Resolution 673 na inihain ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, na naglalayong imbestigahan ang posibleng overpricing ng sibuyas at bawang at manipulasyon ng presyo.

Ang House Resolution 681 na inihain ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, ay naglalayong imbestigahan ang umano’y anti-competitive practices at kartel sa industriya ng sibuyas, gayundin ang bisa ng mga interbensyon ng Philippine Competition Commission (PCC).