Nagpahayag ng excitement si 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray sa kanyang “home sweet home” uli sa Pilipinas.

Mismong ang 25-year-old Fil-Australian beauty ang nag-anunsyo na mula South Africa kung saan siya nag-judge sa beauty pageant, ay deretso ito sa Pilipinas para sa bagong proyekto.

“New York 🇺🇸 – South Africa 🇿🇦 …..Manila! 🇵🇭
I’m excited to be home for a new project which I’ll be sharing with you!”
caption nito sa kanyang latest online post.

Nabatid na may apat na buwan na lamang ang natitira sa Miss Universe reign ng Bicolana beauty, bago nito ipasa ang korona sa Disyembre ngayong taon.

Wala pang napipiling venue pero mas lalo pang umiinit ang usap-usapan na muling pagdaraos ng 2019 Miss Universe sa Pilipinas.

Ito’y kasunod ng pagkalat ng litrato ni Miss Universe Organization (MUO) President Paula Shugart na dumating sa bansa para raw bisitahin ang Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson, sinabit nito na kabilang ang United Arab Emirates at South Korea sa mga nagtutunggalian para sa Miss Universe 2019 hosting.

Maging ang Pilipinas aniya ay nagbabakasakali rin daw sa muling pagho-host ng pageant pero aminado ito na malaking sponsorship ang kailangan ng bansa para muling hawakan ang coronation ngayong taon.

Taong 2016 nang huling idaos sa Pilipinas ang Miss Universe kung saan ipinasa ni 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach ang titulo kay Iris Iris Mittenaere ng France.

Pambato naman ng bansa sa kasalukuyan ay ang ang Fil-Palestinian model na si Gazini Ganados na tubong Zamboanga pero lumaki sa Cebu.