Malapit-lapit na raw maging permanenteng Bureau of Corrections (BuCor) Chief si Acting Director General Gregorio Catapang , Jr.
Ayon kay Department of Justice (DoJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, kasunod na rin ito nang pagpapakilala niya kay Capatang na director general kasabay ng seremonya para sa pagpapalaya sa 340 na mga persons deprived of liberty (PDL).
Umaasa itong sa susunod daw na pagpunta ni Remulla sa New Bilibid Prison (NBP) ay permanente nang Bureau of Corrections na si Catapang.
Ibinunyag pa nitong malapit na raw pirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr ang kanyang appointment.
Dagdag ni Remulla, nakausap na rin daw niya si Executive Secretary Lucas Bersamin kaugnay ng permanent appointment ni Catapang.
Para naman kay Catapang na present din sa seremonya, sinabi nitong ni minsan daw ay hindi niya nakausap si Remulla kaugnay ng permanent appointment nito ay narinig lang niya ito kaninang umaga.
Una nang nagpasalamat si Catapang kay Pangulong Marcos dahil sa pagtitiwala sa kanya.
Tiniyak din nitong ang kanyang permanenteng appointment sa Bureau of Corrections ay magiging daan para sa mapalakas ang reporma sa bureau na sinimulan na niyang ipatupad.
Sakali namang ilagay nang permanenteng Bureau of Corrections Chief si Catapang, sinabi ni Remulla na nangangahulugan itong si suspended BuCor chief Gerald Bantag ay mapapalitan.
Pero ito ay nasa discretion pa rin daw ng Pangulong Marcos.
Kung maalala, noong buwan ng Oktubre noong nakaraang taon ay pansamantalang sinuspinde si Bantag matapos isangkot sa pagkamatay ng broadcaster na si Percy Lapid.
Kasama na rin dito ang pagkamatay ng Bureau of Corrections inmate na si Jun Villamor na namatay mismo sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Ngayong buwan lamang nang palawigin ang suspension laban kay Bantag.