CAUAYAN CITY – Nabiktima ng pekeng pera ang cashier ng isang establisimiento sa nasabing bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lara Natividad, isang cashier sinabi niya na hapon na ng magbayad ang isang kostumer ng pekeng pera na hindi na niya napansin dahil sa dami ng kanilang kostumer.
Nang magreremit na siya ay dito na lamang napansin ng kanilang supervisor na pekeng 1000-peso bill ang ibinayad sa kanya ng kostumer.
Aniya hindi na niya matandaan ang mukha ng kostumer ngunit alam niyang babae ito na nasa edad tatlumpu pataas.
Hindi lamang siya ang nabiktima dahil maging ang kanyang dalawang kasamahan ay nakaranas na rin ng ganitong modus ng mga kawatan.
Hinala nila na iisang tao lamang ang gumawa nito dahil pareho ang ginamit na fake money bagamat ang isa sa mga ginamit ay 500-peso bill na ibinayad ng isang batang kostumer.
Wala aniyang kumikinang na lining ang pekeng 1000-peso bill at wala ring transparent na mukha sa blankong bahagi nito.
Aniya naikaltas sa kanilang sahod ang pekeng pera kaya panawagan niya sa publiko lalo na ang mga nagtatrabaho bilang cashier na maging maingat at laging tiyakin ang perang kanilang nahahawakan kung peke o hindi dahil maari silang mabiktima ng mga kawatan.