CENTRAL MINDANAO- Sisimulan ngayong araw ang pamamahagi ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program o SAP ng Department of Social Welfare and Development ng Lokal na Pamahalaan ng Pigcawayan Cotabato.
Ayon kay Pigcawayan Municipal Social Welfare and Development Officer, Mariam Joy M. Quilban, RSW, sisimulan ang cash distribution sa barangay Tigbawan na mayroong 171 beneficiaries.
Dagdag pa ni Quilban, magtatagal ang cash disbursement hanggang sa Abril 26.
Sa kabuuan, abot sa 10, 423 ang magiging benepisyaryo ng Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development mula sa 40 mga barangay sa bayan ng Pigcawayan.
Ang bawat benepisyaryo nito ay makakatanggap ng tig-limang libong piso.
Samantala, labis naman ang pasasalamat ni Mayor Jean Dino D. Roquero kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil sa emergency subsidy na ito para sa mga mahihirap at deserving beneficiaries na labis na naaapektuhan ng ipinapatupad na enchanced community quarantine sa bayan.
Apela ng alkalde sa mga benepisyaryo na tiyakin ang suplay ng pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan ng pamilya.
Nananawagan rin ang Alkalde sa lahat ng mga Pigcawayanon na patuloy na makiisa sa pagdarasal upang tuluyan nang bumaba ang bilang ng mga namamatay at nagiging positibo sa coronavirus disease o COVID-19 Pandemic.