-- Advertisements --

Nakatanggap na ng kabuuang P724 million cash subsidy mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) ang mga operators ng public utility vehicles na naapektuhan din ng coronavirus pandemic.

Ayon sa LTFRB, mahigit 110,000 operators ang nakatanggap ng ayuda simula noong ilunsad ang programa noong Lunes, kung saan bawat operators ay nakatanggap ng P6,500 kada PUV unit sa ilalim ng kanilang prangkisa.

Tiniyak naman ni LTRFB Chairman Martin Delgra III na magpapatuloy ang kanilang pamimigay ng ayuda sa mga naapektuhang mga operators ng pampublikong bus at jeep.

Ito aniya ay bilang patunay na determinado ang pamahalaan na sila ay tulungang makabangon at hindi sila pababayaan habang dumaranas ang buong mundo ng hagupit ng pandemya.

Dagdag pa nito na sa P1.158 billion budget na alokasyon para sa Direct Cash Subsidy Program sa ilalim ng Bayanihan 2, naipamahagi na ng gobyerno angv62.53 percent o katumbas ng P724,516,000 na tulong pinansyal para sa mga PUV operators.

May natitira na lamang na 37.47 percent o P434,060,000 na ipapamahagi pa ng ahensya sa mga operators ngayong linggo.

Ang mga beneficiaries ng nasabing programa ay mga operators ng Public Utility Buses, Point-to-Point Buses, Public Utility Jeepneys, Mini-Buses, UV Express at FilCabs.