Pinabubuwag ng House committee on public accounts ang case rate policy ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), dahil sa ito anila ang ugat ng korapsyon sa loob ng state health insurer.
Sinabi ng chairman ng komite na si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa kanilang pagdinig ngayong araw na ilang bilyong piso ang nawawala sa kita ng PhilHealth dahil lamang sa overpayment.
“We would request na magkaroon na ng malinaw na polisiya. Na sa ilalim ng adminsitrasyon ni Pangulong Duterte, ay itigil na ang all case rate policy na nagiging ugat ng korapsyon sa PhilHealth,” ani Defensor.
Prone kasi aniya sa korapsyon ang case rate policy na ipinapatupad ng PhilHealth dahil binabayaran ito ng buo at hindi base sa actual na ginastos ng isang pasyente.
Aabot na aniya sa P153.7 billion ang nawawalang kita ng state health insurance mula 2013 to 2018 due to overpayment at fraud.
Nabatid na sa ngayon ang case rate ng PhilHealth para sa pneumonia ay nagkakahalaga ng P15,000; P6,000 para sa food poisoning o acute gastroenteritis; at P7,000 naman para sa urinary tract infection.
Base sa datos na kanyang hawak, tinatayang P700,000 kada taon ang binabayad ng PhilHealth sa mga claims para sa pneumonia cases sa nakalipas na limang taon; P350,000 kada taon para sa acute gastroenteritis cases; at P3000 naman para sa UTI cases.
Kung magpatuloy ito, iginiit ni Defensor na maaring mahirapan si PhilHealth President at CEO Ricardo Morales sa pagsawata sa problema ng korapsyon sa ahensya.