-- Advertisements --

Pormal nang itinalaga ng Philippine Football Federation (PFF) si Carles Cuadrat bilang full-time head coach ng Philippine men’s football team, matapos ang kanyang pansamantalang pamumuno sa koponan.

Inanunsyo ng PFF ang appointment ni Cuadrat noong Miyerkules, kasunod ng pag-alis ni Albert Capellas, kapwa Espanyol, dahil sa personal na dahilan. Pinangunahan ni Cuadrat ang team sa kanilang 2-2 draw kontra Tajikistan sa Asian Cup Qualifiers noong Hunyo 10 sa New Clark City, Tarlac.

Kasabay nito, hinirang din ng PFF si Mico Gutierrez bilang bagong team manager, kapalit ni Freddy Gonzalez na nagbitiw kamakailan. Si Gutierrez, kapatid ng PFF President na si John Gutierrez, ay kasalukuyang presidente rin ng National Capital Regional Football Association at naging team manager ng U-16 team na kampeon sa Lion City Cup sa Singapore.

Nabatid na si Cuadrat, 56 anyos, ay dating coach ng mga kilalang football clubs sa India tulad ng Bengaluru at East Bengal, bago sumali sa coaching staff ng Philippine men’s team sa ilalim ni Capellas.

Siya rin ang ang ikatlong head coach ng senior team sa loob lamang ng 17 buwan, kasunod nina Tom Saintfiet at Albert Capellas.